Hawak na ng mga awtoridad ang lalaki na nanakit at nagbitin patiwarik umano sa sariling niyang anak sa Sta. Rosa, Laguna.
Ayon sa suspek, ginawa niya ang pagmamalupit upang i-blackmail ang umalis niyang kinakasama.
Ipinadala niya ang video sa ina ng biktima sa araw pa mismo ng Pasko. Dagdag pa niya, tuliro siya sa nangyari.
"Pang-black mail ko lang po sa asawa ko 'yun. Hindi ko po alam na aabot sa ganu'n... Parang tuliro po kasi ako sa nangyari eh dahil sa asawa ko nga po gusto kong bumalik sa amin," saad ng suspek sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes.
Humingi ng tawad ang suspek sa kaniyang anak.
"Pasensiya na ho sila sa nagawa ko. Inaamin ko po nagkamali ako. Mahal ko po anak ko sana mapatawad ako ng anak ko," sabi ng lalaki.
Sinabi ng pulisya na ang City Social Welfare and Development (CSWD) mismo ang magsasampa ng kaso laban sa suspek.
"'Yung sa kaso pong 'yan ipu-pursue po namin 'yan sa ayaw at sa gusto ng mga relatives ipu-pursue namin 'yan dahil ang tatayong complainant po dito ay ang CSWD ng Sta. Rosa," paliwanag ni PSupt. Eugene Junsay Orate, hepe ng Sta. Rosa City Police.
Todo-hingi siya ng tawad dahil sa nagawa, na nahaharap ngayon sa reklamong child abuse.
Umabot na sa mahigit dalawang milyong views ang viral video kung saan makikitang tila may sinasabi ang ama sa bata.
Sa video, ilang beses na sinampal ng lalaki ang anak hanggang umiyak ito.
Pinagsusuntok pa ng ama ang paslit sa tiyan at sa parteng ari ng bata.
Sinabi ng Sta. Rosa City Police na ipinadala ng suspek ang video sa kinakasama noong araw mismo ng Pasko, halos dalawang linggo matapos umalis ang ina sa kanilang tahanan.
Pinadala naman ng ina ang video sa kapatid niya na nasa Laguna kaya nasagip ang bata.
Lumalabas sa medico legal report na may mga nakitang sugat sa kanang paa ng bata dahil sa kaniyang pagkakasabit.
Wala naman nakitang mga pasa o sugat sa katawan ng batang lalaki.
Tinututukan ngayon ng mga awtoridad ang emosyonal na kalagayan ng bata higit pa sa pisikal na epekto sa kaniyang pagkakabugbog.
Ito'y dahil sa walang imik ang bata at umiiyak lamang.
Bukod dito, hinahanap niya rin ang kaniyang ina, na nasa IloIlo at pauwi na sa Biyernes.
Hindi muna ibibigay sa ina ang bata, na nasa pangangalaga ng CSWD at mananatili roon. —Jamil Santos/NB, GMA News
