Sa halip na suwertehin, minalas ang isang carwash boy sa Navotas City nang arestuhan siya ng mga awtoridad dahil sa pagpapaputok ng bawal na uri ng paputok na "regalo" kung tawagin. Pag-amin ng suspek, nagpapaputok siya para daw suwertehin sa bagong taon.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing naaktuhan ng mga rumorondang pulis ang suspek na si Prince Aldrin Villaruz habang gumagamit ng iligal na paputok na "regalo" sa Barangay San Roque, Navotas.
Aminado si Villaruz na sa kaniya ang iligal na paputok at sinabing sinubukan lang niya ito bilang pampasuwerte sa bagong taon.
"Pagpaalis lang ng bad vibes, pampasuwerte ng bagong taon," paliwanag niya.
Pero ayon sa pulisya, sa halip na buwenas ay malas ang maaaring sapitin ng mga gumagamit ng iligal na paputok dahil sa panganib na puwede nitong idulot.
"Ipinagbabawal po 'yan kasi talagang harmful po 'yan gaya ng report na sa klase po nitong firecracker na 'regalo' kung tawagin, kapag ito ay nagkaroon ng konting heat o friction sasabog ito kahit hindi sindihan," sabi ni Senior Superintendent Ramchrisen Haveria Jr., hepe ng Navotas police. -- Dona Magsino/FRJ, GMA News
