Hindi na umabot ng buhay sa libing ng kanilang ama sa Del Carmen, Surigao del Norte ang dalawang magkapatid matapos silang madisgrasya sa kalsada.

Sa ulat sa GMA Saksi nitong Miyekules, sinundo ng biktimang si Dixon Conte ang kaniyang kapatid na si Sonia sa airport.

Pero habang nag-aabang sila ng masasakyan sa gilid ng kalsada, bigla na lang silang sinalpok ng isang van.

Patay rin sa insidente ang kinakasama ni Sonia na si Jaime Padernal.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang nakabanggang driver. May iniwasan umano ang suspek kaya napunta sa gilid ng kalsada ang van.

Samantala, patay naman ang isang rider sa Batangas City matapos siyang humarurot at sumemplang.

Naisugod pa sa ospital ang 23-anyos na biktimang si Samuel John Blanco pero idineklara ring dead on arrival.

Ayon sa imbestigasyon, nawalan ng kontrol sa manibela ang rider.

Banggaan naman ng dalawang tricycle ang kumitil sa buhay ng isang barangay tanod sa Vintar, Ilocos Norte.

Paliwanag ng nakabanggang driver, umagaw ng linya ang kasalubong na tricycle kaya sila nadisgrasya.

Handa naman umano siyang magpaabot ng tulong sa pamilya ng namatay na biktima. — Dona Magsino/BAP, GMA News