Lapnos ang balat sa mukha at kamay ng isang batang babae sa Cabugao, Ilocos Sur matapos sumabog ang lata ng spray paint na napasama sa basurang sinusunog ng kanilang kapitbahay.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, napadaan lang ang 4-anyos na biktima sa lugar kung saan sinisigaan ang basura.
Bigla umanong sumabog ang spray paint na napasama doon kaya nagtamo ng first at second degree burns sa balat ang bata.
Nasunog at nagkabutas-butas rin ang bahagi ng suot niyang damit.
Nagpapagaling na ng mga sugat ang biktima.
Hindi naman daw sinasadya ng kapitbahay na maisama sa sinusunog na basura ang spray paint.
Paalala ng mga awtoridad, ugaliing paghiwa-hiwalayin nang maayos ang mga basura lalo na ang mga pwedeng sumabog o magliyab.
Ipinagbabawal rin ang pagsisiga ng mga basura sa ilalim ng Ecological Solid Waste Management Act. —Dona Magsino/NB, GMA News
