Punong-puno pa rin ang Quiapo Church ng mga nagdadasal bagamat sa Quirino Grandstand nagsimula ang Traslacion ng Poong Nazareno maaga nitong Miyerkoles.
Sa ulat ng Unang Balita, sa Simbahan na nananalangin ang ilang deboto na hindi makakasama sa prosisyon sa iba't ibang kadahilanan.
Pahayag ng mga nakausap ng GMA News, hindi na raw sila sasama sa Traslacion dahil sa kanilang pisikal na kundisyon, lalo na ng mga senior citizen at may karamdaman.
Sa simbahan na lamang sila pumila para sa pahalik, ayon sa kanila.
Samantala, may mga deboto namang dumaan muna sa Quiapo Church bago pumunta sa Quirino Grandstand sa may Rizal Park sa Maynila.
Madaling-araw pa lang puno na ng mga deboto ang simbahan, ayon sa ulat.
Todo bantay naman ang mga pulis at sundalo na ang iba ay naka-full battle gear upang pangalagaan ang seguridad sa lugar.
Naka-setup na rin ang first aid stations sa labas ng simbahan. —LBG, GMA News
