Iginiit ng Ateneo junior high school student na nasangkot sa insidente ng umano'y "bullying" sa loob ng paaralan na idinepensa lang niya ang kaniyang sarili. Ang kaniyang ina, humingi ng pang-unawa sa publiko.

"I would like to apologize for the action of my son. Sa nasaktan niya, sa school na na-drag man ang school sa isyu na 'to," saad ng ginang sa ulat ni Arnold Clavio sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules.

"I apologize pero gusto ko ring hingin yung understanding ng tao na bata itong anak ko eh," dagdag niya.

Matatandaan na ilang video ang nag-viral noong nakaraang buwan na makikitang sangkot sa pananakit ang Grade Nine student at umano'y taekwondo black belt.

Ang isa sa mga insidente, nangyari sa loob ng palikuran kung saan dumugo ang ilong ng mas malaking estudyante na kaniyang nakaharap.

Pero sa panayam, iginiit ng binansagang Ateneo bully kid na, “I was just defending myself. Hindi naman ako nam-bully for no reason.”

"Para sa akin, hindi naman bullying 'yung ginawa ko because I was also defending myself naman eh, in a way. Kaso nga lang in the video, mukhang ako talaga 'yung mas aggressive,” dagdag niya.

Una rito, isang estudyante rin ang nakapanayam ni Clavio, na nagsasabing hindi masasabing bullying nangyari sa loob ng banyo. Hindi umano kompleto ang buong kuwento sa mga lumabas na video sa social media.

Pero pag-amin ng estudyante na inaakusang nam-bully, mali ang ginawa niyang aksyon sa naturang sitwasyon.

 “Hindi dapat ako nag-react ng ganu'n ka-violent,” saad niya. "Nilalabas ko lang 'yung inis ko sa kaniya kasi tapos na nga 'yung problema tapos hinamon mo pa ako nu'ng suntukan nu'ng last subject.” — FRJ, GMA News