Napalitan ng pag-aalala ang labis na tuwa ng isang pamilya matapos na mag-collapse ang kanilang Bar Exam passer sa gitna nang kanilang pagdiriwang nang malaman nilang pumasa.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nalaman ni Faizal Macaumbang at kaniyang pamilya na isa siya sa mga nakapasa sa 2025 Bar Exams.

Batay sa nakunan nilang video, nakisigaw at nakiiyak si Faizal matapos ma-flash sa screen ang kaniyang pangalan.

Ngunit ilang saglit lang, napansin ng kapatid niya na nasa sahig na siya at walang malay. Kaya napalitan ng iyak ang pag-aalala ang tears of joy ng kaniyang ina.

Maya-maya pa, tumayo na si Faizal na tila walang nangyari, at muli siyang nakiyakap sa kaniyang pamilya.

“Abogado na ako! Kuya, abogado na ako!” sigaw niya.

“Siguro, factor na ring wala akong masyadong tulog kaya parang may lalabas sa bunganga ko. Nasusuka ako. Kaya du’n sa video, hina-hug ako ng kuya ko. It’s like saying na, ‘Hay salamat natapos ko rin! Hay salamat, nagbunga rin ‘yung past five years na paghihirap ko,” sabi ni Atty. Faizal Macaumbang, bar exam passer, sa panayam sa kaniya.

Kuwento niya, nagtrabaho siya habang kumukuha ng abogasya.

Naging accounting professor siya sa unang dalawang taon sa law school at naging virtual accountant kalaunan habang tinatapos ang pag-aaral.

“Kailangang mong magbasa ng mga, sabi ng professors namin, like 6 to 10 hours, kaya kulang-kulang talaga sa tulog araw-araw. Tapos may pasok ka pa ng Sabado, at saka may professors na nagho-hold ng class every Sunday. So halos wala talagang pahinga,” ani Faizal.

Batay sa Supreme Court, 5,594 ang pumasa mula sa mahigit 11,000 na nakatapos ng tatlong araw na Bar Exams.

Ayon kay Faizal, hindi biro ang pinagdaraanan ng examinees, na namumuhunan ng dugo’t pawis upang maging isang ganap na abogado.

Payo ni Faizal sa mga susunod na sasalang sa bar exams, “Discipline, motivation, pero more on discipline talaga. Tapos find good resources and of course, mag-pray always.” – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News