Nagpapagaling na si Jopay Paguia matapos dahil sa ospital kamakailan sanhi ng head injury.
Sa Facebook post na may petsang January 10, ibinahagi niya ang larawan na may suot siyang hospital bracelet, at inilagay niya ang caption na, "Laban walang babawi."
Dagdag niya, "Jopay kumusta ka na ... May ‘Rawnd 5 pa’ ... Get get aw" na nilagyan niya ng hashtag na #concussion.
Hindi na nagbigay ng iba pang detalye si Jopay tungkol sa nangyari sa kaniya, ngunit nagbigay naman ng update kinabukasan ang kaniyang asawa na si Joshua Zamora.
Ayon kay Joshua, kailangan pa ni Jopay ng kaunting pahinga.
"Soon makakabalik na yan si Ate Jopay nyo, we all know how God is faithful, just a little more rest,” saad ni Joshua sa post.
“Thank God there was no serious injury; we are still taking precautionary measures,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Joshua, magkakaroon pa ng dagdag na konsultasyon sa mga doktor si Jopay.
Nagpasalamat din siya sa mga tauhan ng Capitol Medical Center Emergency Room gayundin sa publiko para sa kanilang mga dasal at pagbati para kay Jopay.
Sa isa pang Instagram post, sinabi ni Joshua na ipinagdarasal nila na maayos ang magiging resulta ng lahat.
Kasalukuyang abala ang SexBomb Girls sa promosyon ng mga pinakabagong “rounds” ng kanilang matagumpay na reunion concert.
Unang nagtanghal ang grupo sa Araneta Coliseum noong Disyembre 4 at sinundan ito ng pagtatanghal sa SM Mall of Asia Arena noong Disyembre 9, na nag-guest ang bandang Mayonnaise na kilala sa kanilang kanta na “Jopay.”
Muling magtatanghal ang grupo sa February 6, 7, at 8 sa SM Mall of Asia Arena. — FRJ GMA Integrated News

_2026_01_13_13_03_25.jpg)