Timbog ang isang lalaki matapos manloob ng isang condominium unit at tumangay ng mga gadget at iba pang gamit na nagkakahalaga ng P17,000 sa Marikina City.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nilooban ng lalaki ang isang condominium unit sa Barangay Santo Niño, Marikina nitong Linggo.

Nakamotor ang suspek at dire-diretsong pumasok sa gate ng condo.

“Nagpatay-malisya siya na hindi siya talaga nag-stop doon sa guard natin para magpa-check. Kaya itong mga guard natin immediately sinundan nila ‘yung lalaki na dumire-diretso roon sa second floor,” ayon kay Police Colonel Jenny Tecson, hepe ng Marikina City Police.

Lumabas sa imbestigasyon na puwersahang winasak ng suspek ang pintuan para pasukin ang isa sa mga unit sa ikalawang palapag ng gusali na pagmamay-ari ng 64-anyos na dentista.

“Wala pong tao roon sa lugar kaya talagang ginamitan niya ito ng screw para mabuksan, may puwersa talaga. Kaya roon na siya nakita nu’ng palabas na po siya sa isang room at ‘yun nga po may bitbit siya na eco bag na may mga laman. Wala siyang maipakitang mga ID o pagkakakilanlan na siya ay residente doon,” sabi pa ni Tecson.

Nakumpiska sa lalaki ang isang airsoft pistol at airsoft gas canister, pati na rin ang isang patalim at ginamit na screwdriver. Nakuha rin sa kaniya ang mga ninakaw na items na abot sa mahigit P17,000 ang halaga, kasama ang ilang gadget at portable hand at neck fan.

Mahaharap sa reklamong robbery ang suspek.

Natuklasan pa ng Marikina Police na nakaw din ang motorsiklong ginamit ng suspek.

Isang taga-Quezon City ang may-ari ng motor at ninakaw nito lang Disyembre, ayon sa pulisya. Ginamit din umano ang motor sa isang insidente ng pagnanakaw sa Parañaque.

Walang pahayag ang suspek.

Batay sa tala ng pulisya, nabilanggo na rin ang suspek noong 2023 at 2024 dahil sa robbery at kasong paglabag sa Motorcycle Crime Act.

Samantala, timbog din ang isa pang lalaki dahil sa pagnanakaw umano sa isang auto shop sa Barangay Marikina Heights nitong Linggo.

Narekober sa suspek na si alyas “Josh” ang ninakaw na baterya na halos P3,000 ang halaga.

Itinanggi niya ang pagnanakaw. Ayon sa kaniya, hinihintay lamang niya noon ang mga kaibigan malapit sa auto shop para maglaro ng basketball.

Ayon sa kaniya, pinagbibintangan lang siya.

“Hindi ko po talaga nagawa ‘yun. Siguro baka may galit sa akin ‘yung nagko-complain po. Ma'am bigla po dumating ‘yung tatlong kasamahan nila ma'am tapos ako po ‘yung tinuturo nila na kumuha po ng baterya roon,” sabi ni alyas “Josh.”

Nahaharap sa reklamang theft ang suspek at nakakulong sa custodial facility ng Marikina City Police Station. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News