Nais ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. na magkaroon ng extradition treaty sa Portugal para sa pagkakahuli ng dating mambabatas na si Zaldy Co, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Martes.

Sa isang press briefing sa Palasyo, sinabi ni Remulla na inutusan na ni Marcos ang “formal application” ng extradition treaty.

“Nagbigay ng instruction si President na formally mag-apply na kami ng extradition treaty sa kanila kahit wala pang extradition treaties between the two countries. Pero through the Interpol, magrerequest na kami ng repatriation ni Zaldy Co kung nasa Portugal talaga siya” sabi ni Remulla.

Pinaniniwalaang nasa Portugal si Co sa gitna ng patuloy na pag-aresto sa mga indibiduwal na kinasuhan tungkol sa gulo sa flood control sa Oriental Mindoro.

Pinaghihinalaang may Portuguese passport si Co, na “acquired so many years ago.”

Noong nakaraang taon, inanunsyo ni Marcos na naglabas na ng mga warrant of arrest laban kina Co at 15 iba pa, kabilang ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways at mga direktor ng Sunwest Corp., kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects.


Ito ay matapos magsampa ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ng mga kasong katiwalian at malversation of public funds laban kina Co at iba pa noong Nobyembre 18.

Ang mga kaso ay kaugnay ng maanomalya umanong P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.

Hindi pa nakababalik ng bansa si Co sa gitna ng patuloy na imbestigasyon sa mga budget insertion at flood control projects. Umalis siya ng Pilipinas dahil sa mga medikal na dahilan.

Itinanggi naman ng dating Ako Bicol party-list representative na sangkot siya sa mga gawaing may katiwalian.

Nauna nang idineklara ng Sandiganbayan si Co bilang isang "fugitive from justice" at iniutos ang pagkansela ng kaniyang Philippine passport ng Department of Foreign Affairs. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News