Inihayag ni Andrea del Rosario na isa siyang malaking tagahanga ng Sexbomb Girls, at umaasang magkakaroon din ng reunion show ang dati niyang grupo na Viva Hot Babes.

Sa guesting nila ni Regine Tolentino sa "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, napag-usapan ang napakalaking reunion concert ng Sexbomb Girls.

“I’m a fan. I’m a big fan too. You may not believe it. But I’m a big fan too,” sabi ni Andrea.

Ikinuwento rin niya na noong makasalamuha niya ang fans noong mall ticket-selling event ng Sexbomb Girls, may mga nakakilala sa kaniya at nagtanong kung kailan magkakaroon ng reunion show ang Viva Hot Babes.

“Nandoon ako sa mall. Tapos may madaming nakapilang tao for their show. Na-recognize nila ako. Then ‘yung fans tinanong ako ng, ‘ma’am kailan po kayo?'” kuwento ni Andrea.

“Pinaplano namin pero nag-iisip pa kami ng gimmick, guys, 'cause we are not dancers. We acknowledge kasi that we are not very good dancers like them. We are actresses, models brought together,” paliwanag niya.

Ayon kay Andrea, umaasa siya at ang iba pa niyang kapuwa dating miyembro ng Viva Hot Babes na makakapag-reunion show din sila, at makasama pa nila ang Sexbomb Girls.

“Of course, we’d love to. We’ve been doing a lot of out-of-town shows with the Hot Babes naman. It's just that siyempre ‘yung iba naging public service. Like ako, soap operas,” sabi niya.

“Now we just have to sit down one of these days. Hopefully one of these days. Hopefully we can do one with Sexbomb 'cause I’m a fan,” patuloy ni Andrea.

Ang Viva Hot Babes ay isang sikat na Pinay all-female dance group noong 2000s, na kilala sa kanilang mga hit na kanta gaya ng "Bulaklak." Ang grupo ay binubuo nina Andrea, Maui Taylor, Gwen Garci, Katya Santos, at Sheree Bautista, at iba pa.

Samantala, nagkaroon ng reunion concert ang Sexbomb Girls sa Araneta Coliseum noong Disyembre 4 at sa SM Mall of Asia Arena noong Disyembre 9.

Nakatakda naman nilang isagawa ang susunod na mga show sa SM Mall of Asia Arena sa Pebrero 6, 7 at 8.

Sumikat naman ang Sexbomb, na araw-araw napanonood sa isang noontime TV variety show. Kalaunan, bumida ang Sexbomb Girls sa afternoon soap na "Daisy Siete," at naging naging top recording artists pa sila.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News