Nag-viral sa social media ang istorya ng isang guro sa Laguna na gumuhit ng portrait ng kanyang mga estudyante, ayon sa ulat ng "Unang Balita" nitong Huwebes.

"Sa Christmas Party, nagbibigay kami ng something to our students. So naisip ko yung ibibigay ko sa mga estudyante ko, personalized," sabi ng guro na si Rose Barcoma ng Holy Redeemer School of Cabuyao.

"Naisip ko, this is the time na yung plano ko before ay gagawin ko na, na idro-drawing ko na sila para din naman matuwa yung mga bata na they have something to keep, to treasure, na something from me,” sabi niya.

Gumuguhit din siya ng mga sketches ng mga sikat na personalidad.

Dedicated, passionate, creative, multitalented, artistic—pagsasalarawan ng mga estudyante sa guro nilang si Barcoma.

Ayon kay Barcoma, first love na raw talaga niya ang pagguhit bago pa siya maging guro.

"Before, fine arts talaga yung gusto kong dapat kunin na kurso. Pero my mother wanted me to become a teacher, so parang gusto kong mapasaya yung mother ko kaya nag-teacher ako,” kwento ni Barcoma.

Kalaunan, natutunan na niyang mahalin ang kanyang propesyon bilang guro.

"Ang masarap sa pagiging teacher,  yung makita mo yung mga dati mong estudyante na may nararating. May mga estudyante ako na ngayon graduate na sila , mga professionals na din. So proud ako na naging part ako nung journey nila," sabi ni Barcoma.

Kumbaga sa obra, nagsisilbing taga-hubog sa mga estudyante ang mga guro, hindi lang sa talino at talento kundi pati na rin sa pag-uugali at pagiging makatao, sabi sa ulat. —Joviland Rita/ LDF, GMA News