Tinutugis pa rin ng pulisya ang dalawang lalaking suspek sa pagpatay sa isang dating kapitan ng Barangay 365 sa Maynila nitong Biyernes.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, nakunan ng CCTV ang aktwal na pagtutok ng baril ng isa sa mga suspek bago paputukan ang biktimang si Elpidio Peter Bautista.

Alas-tres y medya ng hapon nang mangyari ang insidente habang nakaupo sa gilid ng eskinita si Bautista.

"Binaril siya at tinamaan siya sa kanang braso. Nakatakbo pa itong biktima pero pinaputukan pa rin siya, patuloy pa rin siyang punaputukan ng suspek... although maraming nakaupo, siya lang ang directly na pinuntirya," ayon kay Police Inspector Glennzor Vallejo.

Bago ang krimen, nakita ng ilang saksi na nagkakabit ng poster sa lugar ang biktima kasama ang kanyang misis na kasalukuyang kapitana ng barangay.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero binawian rin ng buhay.

Mabilis namang tumakas ang dalawang suspek matapos ang pamamaril.

May dala pang paper bag ang isa kung saan itinago ang ginamit na baril. — Dona Magsino/BM, GMA News