Kalunos-lunos ang sinapit ng isang lalaki na tumawid sa San Mateo, Rizal dahil matapos siyang mabundol ng isang SUV, tumama pa siya sa UV Express na nasalpok din ng nakadisgrasya sa kaniyang sasakyan.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, inabutan pa habang nilalapitan ng lunas sa intersection ng General Luna Avenue at Batasan-San Mateo Road ng mga tauhan ng medic team ng San Mateo ang hindi pa nakikilalang biktima.
Hindi na siya umabot nang buhay nang dalhin sa ospital.
Sa CCTV video na ipinost Facebook ng San Mateo Rizal Action Center, makikita na sa bilis ng takbo ng nakadisgrasyong SUV na minamaneho ni Roland Cruz, bumaligtad ang nabangga niyang UV express na may sakay na apat na pasahero.
Nasugatan ang driver ng UV express at tatlong pasahero na kasamang nilapatan ng lunas ng medic team.
Aminado naman si Cruz na nawalan siya ng kontrol sa minamanehong sasakyan dahil sa antok.
Ayon sa pulisya, nakipag-ayos na ang mga nasugatang sakay ng UV express at nangako si Cruz na sasagutin ang lahat ng gastos sa mga nadisgrasya niya.
Hinihintay pa ang mga kaanak ng nasawing lalaki, habang nasa kustodiya ng pulisya si Cruz.-- FRJ, GMA News
