Inireklamo ang isang barangay kagawad sa Maynila dahil sa pananampal ng isang binatilyo, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa "Unang Balita" nitong Lunes.
Nakuha sa CCTV ang insidente kung saan makikitang hinatak ng babaeng kagawad ang damit ng isang binatilyo at sinampal.
Sabi ng ama ng 15-anyos na biktima, pinagalitan daw ng kagawad ng Barangay 425, Zone 43 sa Sampaloc na si Liza Quejong ang kanyang anak dahil nakikipag-inuman ito sa oras ng curfew Linggo ng hatinggabi.
“Ang sabi, inano raw siya rito,(kinwuelyuhan) eh may kwintas siya na stainless bilog. Tapos sinampal siya dalawang sunod,” kwento ng ama.
Bago pa ang insidente, nakausap daw niya ni Quejong at pinagsabihan siya nito dahil sa pakikipag-inuman ng kanyang anak.
Bukod sa kagawad, nandoon din daw ang barangay chairman, isang pulis at isang tanod.
Ayon sa biktima, hindi lang daw siya sinampal ni Quejong kundi pinalo rin sa bandang puwet ng batuta, pero hindi na raw nakita sa CCTV ang insidente.
Sumailalim na ang binatilyo sa medico legal sa Ospital ng Sampaloc bilang ebidensya sa isinampang reklamo.
“Kung pinakulong nyo wala kayong maririnig dun, bagansya yun eh. Mas maganda pa nga kung pinatulog nyo sa kulungan eh diba? Kung di nyo lang sinaktan, wala kayong problema,” sabi ng ama ng biktima.
Tinangka ng GMA News na puntahan sa bahay ang kagawad pero hindi na ito nagpatuloy dahil alanganin na ang oras.
Ayon sa mga tanod, ayaw munang magpaunlak ng panayam ang chairman. Maghaharap-harap pa raw sila ng mga magulang ng bata. —Joviland Rita/ LDF, GMA News
