Duguan at wala nang buhay nang matagpuan sa loob ng inuupahang kuwarto sa Quezon City noong Sabado ang isang lalaki. Sa operasyon ng pulisya, nadakip ang suspek na umamin na nagalit siya sa biktima nang 'di siya bayaran matapos silang magtalik.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes ng gabi, kinilala ang biktima na si Salvador Alcantara, na residente ng Barangay Socorro, Quezon City, at nagtatrabaho sa munisipyo ng Taytay.
Bago ang krimen, nakuhanan pa ng CCTV footage ang biktima na may kasamang lalaki na naglalakad sa kalsada.
Kinalaunan, nadakip ang naturang lalaki na kasama niya na nakilalang si Joven Evasco, 19-anyos, water delivery boy.
Ayon sa pulisya, kinilala ng mga katrabaho niya ang suspek at may nakita rin umano na mga galon ng tubig sa pinangyarihan ng krimen.
Lalo pang nadiin sa krimen ang suspek nang makuha sa kaniya ang resibo ng pagsangla sa cellphone ng biktima.
Pag-amin ng suspek, may relasyong sekswal sila ng biktima at hindi iyon ang unang beses na nagkita sila.
Pero nang araw na mangyari ang krimen, hindi raw tumupad ang biktima sa usapan nilang bayaran siya ng P300 matapos silang magtalik.
"Pagkatapos po ng lahat, hindi ako binayaran. Next time na lang daw kaya po uminit ang ulo ko," kuwento ni Evasco na humingi ng tawad sa nagawa niyang krimen.
Nanatiling nakadetine si Evasco at mahaharap sa kasong robbery with homicide.-- FRJ, GMA News
