Sa unang pagkakataon, kinasuhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga magulang ng mga menor de edad na nasagip mula sa pagbatak sa mga drug den at pagkakasangkot sa droga sa Navotas City.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing 17 magulang ang sinampahan ng kasong kriminal ng ahensiya, dalawang linggo matapos ang masagip ang 12 menor de edad sa nabanggit na lungsod.
Posible silang makulong ng anim na buwan hanggang 30 taon dahil sa paglabag umano sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at PD 603 o Child and Youth Welfare Code, ang mga magulang.
"It's high time na dapat ang mga magulang na katulad ng ganitong nangyari sa Navotas ay managot at hindi 'yung bata ang mananagot," sabi ni PDEA chief Dir. Gen. Aaron Aquino.
Una itong pagkakataon na nagkaso ang PDEA sa mga magulang ng mga batang sangkot sa droga. Nabigla raw ang mga operatiba sa kanilang nakita sa surveillance video sa ilang drug den sa Navotas fishport kung saan bumabatak ng droga ang mga ito at kinakausap ang mga parokyano ng shabu.
Ayon sa ulat, magiging standard operating procedure na ng PDEA na isasalang na rin ang mga magulang sa imbestigasyon kapag may naabutang menor de edad sa kanilang drug operation.
Kapag napatunayang sangkot sa droga ang bata, kakasuhan ang mga magulang.
Nakikiusap naman ang mga magulang na ibalik na sa kanila ang mga anak, na magdadalawang linggo nang mga nananatili sa Navotas City Bahay Pag-asa sa Huwebes.
"Hindi ko alam ano nangyayari, baka hindi na ibigay ang anak ko sa akin. Apat na taon po. Kinuha 'yun doon sa loob ng bahay namin, kumakain 'yung anak ko, kinuha ng PDEA," giit ng nanay ng isang batang nasagip ng PDEA.
Ayon pa sa isa ina, tatlong anak niyang babae ang nasa Bahay Pag-asa, na mga nadamay lang sa raid ng PDEA, at nagkataong na nasa maling lugar sa maling oras.
"Hindi naman po kami pabayang magulang. Nagtatrabaho po kami nang marangal. Nagkataon lang po na nagkahulihan po, nandodoon ang mga anak ko," sabi ng nanay ng na-rescue ng PDEA.
Mula 2016 hanggang kasalukuyan, 1,984 na mga menor de edad ang nahuli nila na sangkot sa droga, ayon sa tala ng PDEA.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
