Tiniyak ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o mas kilala bilang Quiapo Church ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga deboto at mananampalatayang nagsisimba.

Ipinatutupad ang mahigpit na seguridad kasunod ng naganap na pagpapasabog sa Jolo Cathedral noong Linggo ika-27 ng Enero na ikinasawi ng 20 na tao at ikinasugat ng mahigit 100 iba pa.

Ayon kay Rev. Fr. Douglas Badong –Parochial Vicar ng Quiapo Church, mayroon nang karagdagang K-9 units ang naglilibot sa paligid ng Simbahan habang nagdagdag na rin ng security personnel.

“Sa ngayon nagdagdag ng mga K-9 units, tapos pinapalibot palagi kasi yung mga K-9 namin mababait na daw kaya pinapalitan sila para talagang ma-check tapos nagdadagdag din ng mga security personnel tapos mas doblehin o triplehin pa yung pag-iikot nila, every now and then tsine-check yung mga upuan (pews), pati yung mga natutulog kapag gabi, so tsine-check din yun," pahayag ni Father Badong sa panayam sa Radyo Veritas.

Umaapela naman ang pari sa bawat mananampalataya at mga deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno na maging mapagmatyag sa kalagayang pang-seguridad sa paligid ng Simbahan.

Hinimok din ni Father Badong ang lahat na tumulong at makibahagi sa pagtiyak ng kaligtasan ng bawat mamamayan sa pamamagitan ng pagiging mapagmasid at agad na pagsusumbong sa mga awtoridad ng anumang kahina-hinala sa labas at loob ng Simbahan.

“Sa mga pupunta ng Simbahan, isipin din natin yung kapakanan ng kasama natin at maging mapagmasid, laging i-report kung merong mga kahina-hinala, tumulong lang tayo sa ikakaayos din naman at ikakaligtas ng bawat isa," dagdag na pahayag ni Father Badong.

Ang pahayag ng Pari ay kaugnay sa paglalagay sa ‘heightened alert’ sa buong bansa kasunod ng naganap na dalawang pagsabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral noong Linggo ika-27 ng Enero.

Ang Minor Basilica of the Black Nazarene ay dinarayo ng libo-libong deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.

Kaugnay nito, sa Archdiocese of Davao ay una nang ipinag-utos ni Davao Archbishop Romulo Valles at Davao Mayor Sarah Duterte ang pagbabawal sa pagdadala ng mga bag tulad ng backpack at knapsacks sa loob ng mga Simbahan bilang bahagi ng ‘security measure.’ —LBG, GMA News