Inilabas ng Quezon City Police District nitong Huwebes ang facial sketch ng isa sa mga suspek sa pag-ambush sa isang barangay chairwoman na kakandidato sanang kongresista sa ikalawang distrito ng Quezon City.

Ayon kay QCPD director Chief Superintendent Joselito Esquivel Jr., ang larawan ay isa umano sa dalawang lalaking bumaril nitong Miyerkules sa biktimang si Crisell 'Beng' Beltran.

"This is the face of the criminal," ayon kay Esquivel na nagpahayag din na itinaas na sa P5 milyon ang pabuya sa sinumang makatutulong para madakip ang mga salarin.

Sinabi ni Esquivel na isang saksi ang nakakita sa mukha ng suspek nang mag-alis umano ito ng takip sa mukha.

Bukod kay Beltran, nasawi rin ang kaniyang driver matapos silang pababaril sa kanilang SUV.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril.  Kabilang sa anggulo na kanilang tinitingnan ang pulitika dahil kakandidatong kongresista ang biktima.—FRJ, GMA News