Patay ang dalawang drug suspects matapos daw manlaban sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Caloocan City, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Unang napatay ng otoridad ang suspek na kinilala lamang sa alyas na Mike sa Barangay 43 matapos daw itong makipagbarilan sa mga umaaresto sa kanya.

Nakuha mula kay Mike ang apat na maliit na sachets at isang medium-sized na sachets ng hinihinalang shabu at isang revolver.

Samantala, patay din ang isang suspek na kinilala lamang sa pangalang Anthony, na nasa drug watch list umano, sa isa pang operasyon sa Barangay 12 naman.

Ilang linggo raw munang sinubaybayan ng mga pulis ang suspek bago isinagawa ang operasyon.

"Meron tayong mga ginagawang surveillance at the same time validation. It toook days, weeks," ani Chief Inspector Rengie Deimos, hepe ng Station Drug Enforcement Unit ng Caloocan Police.

Nakuha mula kay Anthony ang isang sachet ng hinihinalang s habu at isang kalibre 38 na baril. —KBK, GMA News