Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang lalaking basta na lang namaril sa Teresa, Rizal na ikinasawi ng apat katao at ikinasugat ng limang iba pa, kabilang ang dalawang pulis na rumesponde.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si John Albert Araojo, na nakunan pa sa CCTV nang tumakas at tangkaing barilin ang isang rider na hihingi sana ng tulong sa mga awtoridad.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing unang binaril ni Araojo nitong Huwebes ng gabi sa Barangay Bagumbayan si Ruben Francisco, na nakaupo lang sa labas ng isang bakery.

Sunod na pinaputukan ng suspek ang bayaw ni Francisco na si Wilfredo Lukban Jr., na nakatayo naman malapit sa gulayan. 

Kaagad na nasawi si Lukban, habang dead on arrival sa ospital si Francisco.

Ayon sa kaanak ng biktima, nagpapa-load daw sa kanila ang suspek nang bigla itong mamaril nang walang dahilan.

Bago tumakas, tumambay pa umano ang suspek sa terminal ng tricycle at doon na pinaputukan ang police mobile na sinasakyan ng dalawang pulis na kabilang sa mga nasugatan.

"Base po dun sa imbestigasyon natin tumambay pa sa terminal ng tricycle tapos dun po nakita niya yung mobile na paparating dun po siya namaril pa ulit," ayon kay Police Senior Inspector Marinell Fronda, OIC-Teresa Police Station.

Namaril din ng tricycle driver ang suspek na ikinamatay ng dalawa pang biktima na sina Celso Bernales at Marvin Miotin.

Nasugatan din ang isa pang tricycle driver at dalawang nakatambay sa lugar.

Nakaligtas naman ang rider na tatawag sana ng saklolo nang maubusan ng bala ang suspek, na nagawang makatakas sakay ang inagaw na motorsiklo.

Ayon kay Senior Supirentendent Lou Evangelista, acting Provincial Director, Rizal-PPO, nagsasagawa sila ng mas malalim na imbestigasyon tungkol sa suspek na napag-alam daw na dalawa o tatlong buwan pa lang naninirahan sa lugar.

Hustisya naman ang huling ng mga kaanak ng biktima. -- FRJ, GMA News