Sinabi ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na ilang telecommunication companies (telcos) ang handang ipatupad ang “ban” o ipagbawal na sa bansa ang Roblox sakaling iutos ito ng pamahalaan.

Kasunod ito ng pakikipagpulong ng CICC sa mga telco upang talakayin ang mga umano’y panganib sa mga menor de edad sa naturang gaming platform.

 Una rito, naglabas ang CICC ng “ultimatum” para sa gaming platform na makipag-ugnayan sa pamahalaan upang matugunan ang mga pinaghihinalaang ilegal na aktibidad na nagaganap sa loob ng app.

Kung hindi sila tutugon, sinabi ng CICC na isusulong nila na ipagbawal ito sa bansa.

“Kaya binigyan na lang namin sila ng 15 days to reach out to the government, the DICT and the CICC in particular, to discuss why we shouldn’t restrict their platform in the Philippine jurisdiction. Not only harmful but illegal contents online are happening within their platform,” sabi ni CICC Executive Director Undersecretary Aboy Paraiso.

Nakipag-ugnayan ang GMA News Online sa Roblox para sa kanilang panig hinggil sa isyu. Ngunit wala pa itong tugon hanggang sa oras ng paglalathala nito.

Nanawagan din si Senador Risa Hontiveros ng isang imbestigasyon sa Roblox at iba pang katulad na platform dahil sa mga nasabing ilegal na aktibidad sa ilalim ng Senate Resolution No. 357. — Jiselle Anne C. Casucian GMA Integrated News