Sinampahan ng reklamong administratibo sa National Police Commission (NAPOLCOM) ng isang babaeng pulis ang hepe ng Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP), dahil sa umano’y sexual harassment na ginawa sa kaniya. Ang opisyal, nagbitiw sa puwesto at mariing itinanggi ang paratang.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, kinilala ng NAPOLCOM ang inirereklamong opisyal na si Police Brigadier General Jessie Tamayao, acting chief ng HPG, at dalawang linggo pa lang sa kaniyang posisyon.
Isinumite ng babaeng miyembro ng HPG ang kaniyang limang pahinang sinumpaang reklamo sa Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS) ng NAPOLCOM.
Ayon sa NAPOLCOM, hiniling ng nagrereklamo na alisin si Tamayao sa serbisyo dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Sexual Harassment Act of 1995 at Data Privacy Act of 2012.
Batay sa akusasyon ng babae, inaya umano siya ni Tamayao na makipagtalik, at minsan ding hinawakan ang kaniyang puwitan, sabi pa ng NAPOLCOM, base sa reklamo.
Nagbanta rin umano ang opisyal sa babaeng pulis na ililipat siya sa Mindanao kung hindi susunod sa gusto nito.
Bukod dito, inakusahan din ng babaeng pulis si Tamayao na pinakialaman ang kaniyang cellphone nang wala siyang pahintulot. Binasa umano ang mga pribadong mensahe nito, at kumuha ng mga larawan ng kanilang usapan at mga imahe mula sa kaniyang gallery, Messenger, at Viber accounts.
Dagdag pa niya, nagbanta pa umano si Tamayao na gagamitin ang mga nakuha nitong impormasyon laban sa kaniya sakaling iulat niya ang insidente sa dating direktor ng HPG na si Police Brigadier General Hansel Marantan.
NAGBITIW
Sa kanyang pahayag, itinanggi ni Tamayao ang mga paratang at nangakong makikipagtulungan sa imbestigasyon upang malinis ang kaniyang pangalan.
"I want to state, in the clearest and most categorical terms, that I am innocent of these charges. I have always conducted myself with the utmost professionalism and respect for my colleagues and the public I serve," ayon sa opisyal.
"I firmly deny the allegations. I can only deduce this is a personal vendetta the reason of which I am not aware," dagdag niya pero wala siyang ibinigay na detalye.
Sinabi rin ni Tamayao na kusa siyang magbibitiw sa puwesto pero hindi umano ito nangangahulugan na guilty siya sa paratang.
"To ensure a completely impartial, fair, and transparent conduct of the investigation, I have decided to voluntarily step down from my position as Acting Director of the PNP HPG, effective immediately," aniya.
"My decision to resign is not an admission of guilt, but a demonstration of my commitment to due process and the institutional reputation of the Philippine National Police," dagdag niya. — Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News
