Nasagip ng mga awtoridad ang apat na babae, kabilang ang dalawang menor de edad, sa isang bar sa Makati City nitong Martes ng gabi.

Ang kanilang umanong bugaw naman ay inaresto, ayon sa ulat sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles ni Athena Imperial.

Isang pulis na nagpanggap bilang parokyano ang nagbayad sa umanong bugaw na nakilalang si alyas Jem.

Nang tanggapin ni Jem ang pera para sa pag-book ng mga babae, dito na siya hinuli ng mga pulis.

Isinagawa ang entrapment operation ng Women and Children's Protection Center.

"Nakailang surveillance na kami. Nakita namin na confirmed na itong taong ito ay involved sa trafficking. So nagkaroon kami ng case buildup," ani Senior Superintendent Gemma Cruz Vinluan, hepe ng Luzon Unit ng Women and Children's Protection Center.

Kuwento ng isa sa mga nasagip na biktima, nakilala nila si Jem sa isang online chat.

Kinumbinsi raw sila ni Jem na makipag-inuman kasama ang ilan pang kakilala ng suspek.

"Sabi po niya kasi sa 'kin kapag pumunta po ako, bibigyan niya po ako ng pera. E kailangan ko din po kasi po 'yung baby ko," saad ng isang biktima.

Ayon sa pulisya, pinatatambay umano ng suspek sa kahabaan ng isang kalsada ang mga babaeng ibinubugaw. Pinapipili  umano rito ang kanyang mga kostumer.

Sinisingil umano ng suspek ang mga kostumer ng P1,500 sa pag-book ng isang babae, at kung menor de edad naman ang nakursunadahan ay P4,000 to P5,000 ang singil.

Itinanggi naman ng suspek ang paratang.

Nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Anti-Human Trafficking Law. —KG, GMA News