Nasagip ang 11-anyos na lalaking drug courier sa isinagawang operasyon kontra droga sa Davao City, ayon sa ulat ni Jandi Esteban sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules.
Ayon sa ulat ni Jandi Esteban ng RTV One Mindanao sa "Balita Pilipinas", nasagip ng mga pulis ang 11-anyos na si Jun-Jun (hindi niya tunay na pangalan) dahil siya mismo ang nag-abot ng pinagbibiling droga sa asset ng Sasa Police sa operasyon.
Halos dalawang taon na raw ginagamit si Jun-Jun ng kanyang sariling ina at tiyahin sa pagbebenta ng illegal na droga.
“Tagahatid ng nilalagay nila sa papel—drugs. Minsan P50, minsan P100 (ang binibigay nila sa akin),” sabi ni Jun-Jun.
Naaresto ang ina ni Jun-Jun na si Kara. Gayundin ang kapatid at bayaw ni Kara na si Farrah at Rozel. Inaresto din ang ina nilang si Paula. (Mga hindi nila tunay na pangalan.)
Sabi ng hepe ng Sasa Police na si Police Chief Inspector Reuben Libera, matagal na raw ginagawa ng mga suspek ang iligal na gawain.
“Kadalasan sa mga customer nila ay may sasakyan. So minsan, bata ang pinapahatid nila ng illegal drugs sa sasakyan,” sabi ni Libera.
Tinanggi naman ng mga suspek ang paratang laban sa kanila.
Nakumpiska sa kanila ang mga pinaniniwalaang shabu na may halagang aabot sa P14,000. —Joviland Rita/NB, GMA News
