Nanganganib na mawalan ng trabaho ang nasa 400 kawani ng National Food Authority (NFA) dahil sa rice ratiffication law.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News' Unang Balita nitong Miyerkules,  sinabing mawawalan ng trabaho ang mga kawani dahil aalisin na food regulatory function ng NFA dahil sa bagong batas.

Nauna nang iniulat na ililipat at mapapasailalim na ng Department of Agriculture (DA) ang NFA simula sa Marso 3.

Sinabi rin ng NFA na hanggang sa Agosto na lang mabibili sa merkado ang mga murang NFA rice na nagkakahalaga ng P27 per kilo.

"So 'yung natitira naming mga around 14 million bags ngayon are still to be sold at P27 per kilogram. It depend on the Council really...," sabi ni NFA officer-in-charge administrator Tomas Escarez.

Sa ilalim ng bagong batas, wala nang limitasyon ang pag-angkat ng bigas ng mga pribadong sektor. Kailangan lamang kumuha ng mga mag-aangkat ng phytosanitary permit mula sa Bureau of Plant Industry at magbayad ng 35-percent tariff sa pagbiyahe ng produkto mula sa Southeast Asia.

Kinastigo ng ilang sektor mula sa hanay ng mga magsasaka tulad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang bagong batas dahil papatayin daw nito ang mga magsasaka at lokal na industriya ng bigas.

Sinabi naman ng Department of Finance (DOF), na isa sa layunin ng bagong batas na mapababa ang presyo ng bigas sa bansa.

"We need very good governance mechanisms and we'll make sure that the funds are appropriated correctly," sabi DOF Assistant Secretary Tony Lambino.

Tiniyak naman ng pamahalaan na may nakalatag na programa para ayudahan ang mga lokal na magsasaka.—FRJ, GMA News