Inaresto ng mga pulis Maynila nitong Lunes ang isang aminadong hitman at ang kanyang handler na mga miyembro umano ng gun-for-hire group.
Ang mga suspek ay kinilalang si Apolonio Flores at ang kanyang handler umano na si Prince Patrick Cortez, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.
Unang naaresto si Flores pasado alas dos ng hapon matapos makatanggap ang mga pulis ng tip mula sa isang concerned citizen na may isang kahina-hinalang lalaking nakitaan ng baril sa Lacson Avenue.
"Upon investigation po namin, nalaman po namin through sa kanyang cellphone na 'yung trabaho niya pala ay hitman. Nahuli namin siya through sa cellphone. May ka-text siya, conversation niya 'yung handler niya kung sino," ani Senior Inspector Edwin Fuggan, station commander ng Lacson Community Police Precinct.
Ayon sa mga text messages sa kanyang cellphone, lumalabas na may minamanmanan na tao si Flores.
Sinabi rin ng kanyang ka-text na "uluhan" na raw niya kaagad ito.
Nagkasa ng entrapment operation ang mga operatiba ng Sampaloc Police at dito naaresto ang handler umano ni Flores na si Cortez.
Nakuha mula sa mga suspek ang isang kalibreng .45 na baril at isang granada.
Inamin ng mga suspek na miyembro sila ng isang gun-for-hire group.
"Napag-utusan po ako na patayin 'yung isang tao na merong pagkakautang o pagkukulang sa isang grupo na 'di ko po masyadong kabisado," ani Flores.
Ayon sa kanya, P20,000 ang bayad sa isang pagpatay.
Sinabi pa ni Flores na sa loob ng kulungan siya nakakuha ng contacts sa grupo. Kalalaya lamang ni Flores mula sa kulungan nitong Enero dahil sa kasong theft.
Ayon naman kay Cortez, siya ang contact ni Flores at tagabigay lamang siya ng impormasyon ukol sa taong papatayin.
Ang mga biktima umano ng grupo ay mga taong hindi nakakapag-remit ng bayad sa mga transaksiyon sa ilegal na droga, ani Fuggan.
Responsable raw ang mga suspek sa mga pagpatay sa Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, at Maynila.
Patuloy ang imbestigasyon at follow-up operations ng pulisya para masukol ang iba pang miyembro ng grupo.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa election gun ban alinsunod sa Omnibus Election Code at illegal possession of firearms and explosives. —KG, GMA News
