Maglalaro na sa P66 hanggang P90 ang halaga ng kada litro ng diesel sa Metro Manila, makaraan ang ilang araw ng staggered na pagtaas sa presyo ng petrolyo nitong linggo. Posible pa itong pumalo sa P100 kada litro sa susunod na linggo, base sa pagtataya ng industry sources. Bakit mas tumataas ngayon ang presyo ng diesel kaysa gasolina?

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing umakyat na rin sa P57 hanggang P84 kada litro ang gasolina, na maaaring madagdagan pa ng P12 kada litro sa susunod na linggo.

Nananatili itong epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado kasabay ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.

Gayunman, hindi laging mas mataas ang presyo ng diesel kaysa gasolina.

Base sa datos ng Department of Energy mula 1990 hanggang 2025, kadalasang mas mataas ang presyo ng gasolina kaysa diesel. Ngunit may ilang insidente rin tulad noong Hunyo hanggang Disyembre 2022, na nababaligtad ito at mas tumataas ang presyo ng diesel.

Isa ang isyu ng supply at produksyon sa mga posibleng dahilan na nakaaapekto sa mga pagtaas na presyo ng diesel.

Sinabi ng Department of Energy na bumaba ng 68.1% ang lokal na produksyon ng diesel sa bansa noong 2021, na nangyari matapos magsara ang isang malaking refinery noong 2020 samantalang sumailalim sa maintenance shutdown ang isa pa noong Pebrero hanggang Mayo 2021.

Sa tuwing bumababa ang kapasidad ng mga lokal na refinery na lumikha ng sarili nitong diesel, bumababa ang supply kaya napipilitang umangkat ang Pilipinas sa ibang bansa.

Gaya na lamang ng pagkawala ng dalawang malalaking lokal na refinery noong unang kalahati  2021, kung saan tumaas ng 50.1% ang diesel imports ng bansa.

Kapag mas umaasa ang bansa sa mga import kaysa sa lokal na produksyon, mas mabilis naaapektuhan ng pagkilos ng presyo sa global oil market ang halaga ng diesel sa Pilipinas.

Kapag tumataas din ang demand, tumataas din ang halaga ng diesel, kumpara sa ibang mga produktong petrolyo.

Sa Pilipinas, diesel ang may pinakamataas na demand sa mga produktong petrolyo, ayon sa DOE.

Batay sa pinakahuling datos ng ahensiya noong 2024, nasa 11.7 billion liters ang total demand para sa diesel. Pinakamataas ito kaysa gasoline na may total demand na 8.5 billion liters at kerosene na may 52.7 million liters na demand.

Hindi lamang sa Pilipinas mataas ang konsumo ng diesel kundi sa buong mundo, ito rin ang may pinakamalaking demand sa mga refined petroleum products.

Batay sa International Energy Agency, aabot sa 28.3 million barrels ang global demand para sa diesel kada araw noong 2025, na pinakamataas kumpara sa 27.4 million barrels kada araw na demand para sa gasoline at 7.7 million barrels kada araw na demand para sa kerosene.

Kapag mataas ang demand para sa diesel samantalang limitado ang supply nito sa global market, tumataas ang presyo nito na lumalampas sa presyo ng gasolina sa ilang pagkakataon.

Malawak ang gamit ng diesel sa freight transportation o ang pag-transport ng mga produktong pangkomersyo at ibang pang manufactured goods sa pamamagitan ng lupa man o dagat.

Diesel ang pangunahing langis na gamit ng mga truck, cargo ships at mga tren sa pagdadala ng mga produkto. Ito rin ang karaniwang ginagamit ng mga sasakyan para sa public transport tulad ng mga bus at jeep.

Diesel din ang ginagamit sa malalaking agriculture equipment at sa mga makinaryang ginagamit sa konstruksyon.

May mga lugar din na ginagamit ang diesel para sa mga generator ng kuryente.

Kaya tumataas din ang demand para sa diesel dahil sa lawak ng mga sektor na ginagamit ito.

Batay sa pinakahuling DOE price breakdown noong nakaraang buwan, sinasabing sa presyo ng kada litro ng diesel, humigit-kumulang 59% ang import cost, 22% ang napupunta sa buwis tulad ng value-added tax at excise tax, 12% ang industry take o ang napupunta sa oil company para sa operating costs and profits, at 7% ang napupunta sa cost ng CME o coconut methyl ester na required ihalo sa diesel.

Base sa datos na ito, makikita ang laki ng bahagi ng presyo ng diesel na nakadepende sa pandaigdigang merkado ng langis.

Sa panahong nagpapatuloy ang pagsipa ng presyo ng diesel sa pagdaigdigang merkado dahil sa tensyon sa Middle East, inaasahang patuloy din ang pagtaas ng presyo ng diesel sa bansa. —VBL GMA Integrated News