Dalawang suspek ang arestado matapos magbenta ng mga ninakaw umanong piyesa ng motorsiklo sa Tondo, Maynila.

Ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, nasabat sa isang bahay sa Tondo ang pinaghiwa-hiwalay na pyesa ng mga motorsiklong hinihinalang ninakaw sa iba't ibang lugar.

Nabisto ang naturang modus sa isang entrapment operation na nag-ugat sa reklamo ng isang rider na nanakawan ng motorsiklo.

Miyerkules umano ng umaga nang nakawin ang kaniyang motor na nakaparada sa harap ng kanilang opisina.

Makalipas lang ang ilang oras, naka-post na raw at ipinagbibili sa social media ang ilang parte nito.

Nang makumpirmang sa kaniya nga ang mga ibinebentang pyesa, nakipagtransaksyon online ang biktima at nakipag-ugnayan sa mga pulis.

Timbog sa operasyon ang mga suspek na sina Kristine Buluran at Camille Buluran.

Itinuro ng dalawa ang bahay kung saan naka-imbak ang mga chinop-chop na bahagi ng motorsiklo pero giit nila, hindi sila ang nagbebenta ng mga ito at napag-utusan lang silang magdala ng mga inorder na parte.

Mahaharap sa reklamong carnapping ang mga suspek. Tinutugis na rin ng pulisya ang iba pa nilang kasamahan.

Paalala ng mga awtoridad, mag-ingat sa pagbili ng mga naturang pyesa.

"Huwag ho nating tangkilikin ang ganyang mga klsae ng piyesa kasi maraming nabibiktima, mga kababayan po natin na alam po nating hinuhulug-hulugan pa nila yan, then 'yun nga po mawawala. Kawawa naman po ang mga kababayan natin na nagpupundar ng ganyang klase ng sasakyan," ayon kay Superintendent Carlito Mantala, ang hepe ng Quezon City Police District Station 11 na nagkasa ng operasyon. —Dona Magsino/NB, GMA News