Pinatay umano ng sariling ama ang isang batang babae sa Badiangan, Iloilo.
Ayon sa ulat ni Raffy Tima sa GMA "24 Oras" nitong Martes, hinihinalang tinakpan ng unan ang mukha ng 9-anyos na biktima hanggang sa mamatay ito.
Nagising na lang umano ang ibang kaanak ng bata nang marinig ang pagharurot ng motorsiklo ng suspek na si Rio Carmen palayo sa kanilang bahay.
Hindi na raw humihinga ang bata nang matagpuan.
Nahuli naman ng mga awtoridad ang suspek matapos siyang sumemplang sa tapat mismo ng isang presinto ng pulis.
Batay sa imbestigasyon, posibleng napagbuntunan ng galit ng ama ang bata dahil sa away nila ng kaniyang kinakasamang nasa ibang bansa.
"Sa sobrang galit, nablangko ang isip ko sa time na 'yun. Mahal ko naman at pinalaki pero dahil sa galit ko sa kaniyang ina... Halos lahat ginawa ko naman," ayon sa suspek na nasa kustodiya na ngayon ng pulisya. —Dona Magsino/NB News
