Nag-isyu ang Court of Appeals ng freeze order sa mga ari-arian ni dating Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Sabado.

"Si former Speaker Martin Romualdez, na-freeze na 'yung kaniyang…, may freeze order na. From Court of Appeals kasi doon talaga dinadala ang freeze orders ng AMLC. Diyan talaga pinakukuha ng court order," sabi ni Remulla sa kaniyang programa sa radyo, na iniulat ni Darlene Cay ng GMA News.

Tinutukoy ni Remulla ang Anti-Money Laundering Council (AMLC), na iniulat nitong Biyernes na nakaseguro na ito ng freeze order sa mga ari-arian ng isang "prominent incumbent legislator" na sangkot umano sa flood control corruption scandal.

Hindi pinangalanan ng AMLC ang mambabatas, maging ang kasosyo nito sa negosyo at isang korporasyon na "found to have been involved in the flood control project anomalies." Saklaw ng freeze order ang tatlong partido.

Sinabi ng Ombudsman na saklaw ng pinakabagong freeze order ang 25 bank account at 10 insurance policy na "registered under the name of the said legislator."

Ayon kay Remulla, may inihahanda pang mga karagdagang kaso, ngunit hindi siya nagbunyag ng iba pang detalye.

“Actually, isang kaso pa lang 'yan. Pero we have around five to six cases lined up. Sunod-sunod siya i-file within the next two weeks,” sabi niya.

Sinabi ni Remulla na kasalukuyang nasa ilalim ng paunang imbestigasyon ang kaso at susundin ang due process.

“Ang kalaban namin dito, akusado sa pagnanakaw sa gobyerno. Ito, tiga gobyerno ito. Ito, maraming pera, may kapangyarihan. Hindi ho madali labanan ito,” sabi niya.

Humingi na ang GMA News Online ng komento mula sa opisina ni Romualdez at ng AMLC, ngunit wala pa silang tugon hanggang sa oras ng pag-post.

Ayon sa AMLC, kinabibilangan ng mga ari-ariang sakop din ng pinakabagong freeze order ang 27 bank account, 10 insurance policy, at isang investment account "under the name of the legislator's alleged business associate" pati na rin ang dalawang bank account, pitong property account, at isang real estate property na nakarehistro "under the name of the corporate entity."

Sinabi ng AMLC na nakitaan ng Court of Appeals ng probable cause para iugnay ang kanilang mga ari-arian sa plunder, direct and indirect bribery sa ilalim ng Revised Penal Code, at sa mga paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Itigil ang imbestigasyon

Nauna nang hiniling ni Romualdez sa Ombudsman na itigil ang imbestigasyon nito laban sa kaniya dahil umano sa paglabag sa due process, at ikinatuwirang “prejudged” siya sa bagay na ito.

Sa isang liham na ipinadala ng kaniyang mga abogado sa Ombudsman, sinabi ng kampo ni Romualdez na itinuring na nina Remulla at Assistant Ombudsman Mico Clavano ang dating Speaker bilang isang "master plunderer" kaugnay ng maanomalya umanong mga proyekto sa flood control, gayong wala pang kasong kriminal na isinampa laban sa kaniya.

Nauna nang sinabi ng kampo ni Romualdez na kukuwestiyonin nito ang pag-isyu ng precautionary hold departure order laban sa kaniya tungkol sa mga kasong may kaugnayan sa kontrobersiya sa flood control.

Bilang tugon sa kahilingan ng kampo ni Romualdez na mag-inhibit ang Ombudsman sa pagsasagawa ng anumang paunang imbestigasyon kaugnay ng paglabag umano sa due process, pati na rin ang komento nito na "na-prejudge" ang dating Speaker, sinabi ni Remulla nitong Sabado na hindi maaaring pigilan ng Ombudsman ang mga kaso ng korapsyon dahil sa kanilang tungkulin sa Konstitusyon.

"Ang inhibition goes down to the fairness of the judicial process. Prosecutors are supposed to side with the victims of crimes. Ngayon, ano ba ang Office of the Ombudsman? Ang pinanggalingan namin sa Pilipinas, Tanodbayan. Kami ang bantay ng bayan para 'yung corruption ay bantayan, 'yung pang-aabuso ng kapangyarihan ay maawat natin, matigil, at maparusahan," sabi niya.

"Paano natin mapaparusahan 'yan kung mag-i-inhibit ka? Duty mo 'yan eh. 'Yan ay katungkulan po namin sa Saligang Batas," dagdag pa niya.

“No such thing as inhibition. Sabi ko sa abogadong nagsasabi niyan, baka absent ka noong tinuturo 'yan. Go back to law school,” ayon pa kay Remulla. — VBL GMA News