Patay sa pamamaril sa loob ng sinasakyan nilang police mobile nitong Martes ang dalawang lalaki na naaresto nitong Lunes sa Maynila, at umaming hitman at handler ng isang gun-for-hire group.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Saksi" nitong Martes, sinabing pabalik na sa police station sa Sampaloc sakay ng mobile sina Apolonio Flores at Prince Patrick Cortez, matapos i-inquest nang harangin sila ng mga anim na salaring sakay ng tatlong motorsiklo dakong 4:00 p.m.

READ: Hitman at handler na miyembro umano ng gun-for-hire group, arestado sa Maynila

Tinutukan daw ng baril, pinababa ng sasakyan, inalisan ng baril at saka pinadapa ang dalawang pulis na sina Police Officer 2 Mark de Lima at PO1 Joven Miguel.

Kasunod nito ay pinagbabaril na umano ng mga salarin sina Flores at Cortez na nasa likuran ng mobile.

Maliban sa kaunting sugat, ligtas naman ang mga pulis.

Ayon kay Police Senior Inspector Philipp Ines, PIO ng Sampaloc Police, magsasagawa sila ng imbestigasyon sa nangyari at kung nagkaroon ba ng pagkukulang ang mga pulis.

Patuloy din umano ang imbestigasyon ng pulisya kung sino ang mga nasa likod ng pamamaril.

Una rito, inamin ng Flores at Cortez na may inaantabayanan silang tao na kanilang itutumba nitong Lunes nang maaresto sila.

Ayon kay Flores, P20,000 ang bayad sa bawat napapatay niya.-- FRJ, GMA News