"Ganu'n talaga ang style niya." Ito ang paliwanag ni Presidential spokesperson at chief legal counsel Salvador Panelo tungkol sa mga pagbibiro umano ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga talumpati.
"I've been listening to the President for the last thirty years, during his term as mayor. Ganu'n talaga ang style niya. Talagang he creates a situation and makes a joke out of it. He jokes about me, he jokes about a lot of people," paliwanag ni Panelo sa panayam ng Howie Severino sa GMA "News to Go" nitong Miyerkules.
"Ano siya eh, parang komedyante siya, in a way. Parang nagpapatawa lang talaga siya...Kaya nga ang audience, natutuwa sa kaniya," dagdag ng opisyal.
Kamakailan lang, nanawagan si Duterte sa publiko na huwag sasaktan ang mga pari matapos makarating sa kaniya ang impormasyon na may mga pari na nakatatanggap ng banta sa buhay.
Taliwas naman ito sa mga dating pahayag ni Duterte na nag-uudyok sa mga tambay na holdapin ang mga obispo.
Ilang beses na rin pinuna ng mga kritiko ng administrasyon ang ilang pahayag ng pangulo na sinasabing hindi magandang biro.
Pero ayon kay Panelo, hindi dapat kulayan ng pulitika ang mga matatapang na pahayag ni Duterte laban sa ilang alagad ng Simbahang Katololika na tinawag niyang "joke and hyperbole" lang.
Matapos kumpirmahin ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David nitong Martes na nakatatanggap siya ng banta sa buhay, tinanong kay Panelo kung papaano dapat timbangin ang mga "biro" ni Duterte; kung ano ang dapat seryosohin at ano ang maaaring naghihikayat sa iba na gumawa ng hindi maganda laban sa mga lider ng Simbahang Katolika.
Dapat din umanong linawin ang magkakaibang pahayag ng pangulo sa ilang usapin na maaaring magdulot ng kalituhan.
Pero ayon kay Panelo, batid naman ng publiko kung nagbibiro lang ang pangulo.
"When he made the statement na do not touch these priests kasi kayo'y mananagot sa'kin—'yun ang katotohanan, kasi galit siya eh," sabi ng opisyal.
"Pero 'pag sinabi niya 'yung mga...kasi alam mo, mahahalata mo naman ang Presidente 'pag nagbibiro eh. May mga galaw siyang yung mga mukha niya na he is making faces—biro lang 'yun. Pa-kuwela niya lang 'yun," paliwanag pa niya. — FRJ, GMA News
