Bistado ang modus ng isa sa pinakamalaki umanong supplier ng droga sa Batangas City na isinasama pa ang may sakit na anak para maikubli ang mga iligal na transaksyon.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA "24 Oras", isa sa mga naarestong target sa buy-bust operation ang suspek na si Ramil Daza Martin alyas Bejo.

Stroke patient si alyas Bejo at ginagamit umano nitong "cover" sa pakikipagtransaksyon ang dalawang anak.

Ang isa sa kanila, may hydrocephalus.

"Ginagamit niyang guise in his daily transactions, in his illegal drug activities. Patuloy siyang nagbebenta ng droga despite the fact that he's considered a person with disability," ayon kay Superintendent Sonny Celedio, hepe ng Batangas City Police.

Ayon pa sa pulisya, dati nang nakulong ang suspek dahil sa pagtutulak ng droga.

Aminado naman ang suspek pero iginiit niyang ginagawa niya ito para maipagamot ang anak na may sakit. —Dona Magsino/NB, GMA News

Nasabat sa naturang operasyon ang P180,000 halaga ng shabu, drug money, isang van, at listahan ng mga umano'y parokyano ng grupo. —Dona Magsino/NB, GMA News