Patay ang isang lalaki sa Laguna na umano’y iligal na nagbebenta ng baril at hinihinala ring birador o hitman matapos daw itong manlaban sa pulis.

Ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Unang Balita nitong Martes, sinugod ng mga awtoridad sa bayan ng Alaminos ang bahay ng suspek na kinilalang si JR Siervo.

Nang makita ang paparating na mga pulis, agad nagtago si Siervo sa kapitbahay pero nasundan pa rin siya rito. Nagpaputok daw si Siervo sa mga tumutugis sa kanya, kaya gumanti rin ng putok ang mga pulis hanggang mapatay nila ang suspek.

Sinasabing iligal na nagbebenta raw si Siervo at hinihinala ring birador o hitman ng iba’t-ibang crime group. Narekober sa bahay ng suspek ang apat na baril at mga bala. Itinanggi naman ng asawa ng suspek ang mga alegasyon laban sa kanya. —Joviland Rita/ LDF, GMA News