Dinukutan ng cellphone ang isang Grade 7 na batang babae ng dalawang lalaking kapwa 11-anyos na Grade 3 pupils sa isang public elementary school sa Maynila, ayon sa ulat sa Balitanghali Weekend nitong Sabado.

Nasapul ng barangay CCTV camera ang pagbuntot ng dalawang batang lalaki sa tatlong mga estudyanteng babae sa isang eskinita.

Pasimpleng bumuntot ang dalawang bata sa kanilang target. Sa unang pagtangka, napansin ng biktima ang balak ng dalawang bata.

Ngunit sinundan pa uli ng dalawa ang kanilang target at sa pagliko sa dulo ng eskinita, nadukot na ng mga suspek ang cellphone at sabay karipas ng dadawa.

Nagsumbong sa barangay ang biktima at sa tulong sa mga kuha ng CCTV, natunton ang mga suspek at nabawi ang cellphone.

Hindi na magsasampa ng reklamo ang biktima.

Pahayag ng barangay captain, paiigtingin pa ang pagbabantay sa kanilang lugar laban sa mga krimen. —LBG, GMA News