Naaresto na ang suspek sa pagbaril at pagpatay sa negosyanteng si Dominic Sytin na nangyari sa Subic, Zambales noong nakaraang taon. Ang itinuro nitong utak sa krimen, ang mismong kapatid daw ng biktima.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing naaresto ng mga pulis ang suspek na si Edgardo Luib sa Batangas noong Marso 5.
Nakuha rin umano kay Luib ang baril na sinasabing ginamit nito sa pagpatay kay Sytin, ang may-ari ng kumpanyang United Auctioneers Incorporated.
Nagtugma rin daw ang fingerprint ni Luib sa latent fingerprint na nakuha sa motorsiklo na ginamit niya nang isagawa ang krimen sa labas lang ng isang hotel sa Subic noong Nobyembre 2018.
Binaril sa ulo si Sytin, habang nasugatan naman ang body guard ng biktima.
READ: Malapitang pagbaril sa isang negosyante sa Subic, huli sa CCTV
Sa extra-judicial confession umano ni Luib, sinasabing inamin nito ang krimen at itinuro si Dennis Sytin, na kapatid ng biktima, bilang mastermind.
Sangkot din daw ang isang Ryan Rementilla, na dati ring nagtatrabaho sa kumpanya ng biktima.
Nakatakdang magsampa ng reklamong murder at frustrated murder ang pulisya laban sa tatlo.
Samantala sa ulat ng GMA News "24 Oras," itinanggi ni Dominic Sytin na may kinalaman siya sa pagpatay sa kaniyang kapatid.
Sa pahayag, inihayag ni Dominic na ginagawa lang daw siyang panakip-butas ng mga totoong nasa likod ng krimen, na malaya pa rin at tila ligtas sa imbestigasyon..-- FRJ, GMA News
