Tatlong estudyante na papasok sa kanilang paaralan at tumatawid sa pedestrian lane ang nasugatan matapos silang salpukin ng humaharurot na SUV sa Pasay. Ang nakadisgrasyang driver, hindi na raw nakikipag-ugnayan sa isang biktima na patuloy na nagpapagamot.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, ipinakita ang kuha sa CCTV nang araw na mangyari ang insidente.
Sa lakas ng pagkakabangga ng SUV sa mga estudyante, tumilapon ang mga biktima at naospital.
Nangyari ang disgrasya dakong 5:00 am noong Enero 29 sa Macapagal Boulevard sa Pasay.
Mapalad na nakaligtas sa kamatayan ang mga biktima at nasa mabuting lagay na ang dalawa sa kanila.
Pero ang isang biktima na si Dahne Vicencio, 18-anyos, hindi lang malalim na sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan ang tinamo.
"Yung anak ko nakalakad siya. Kung titingnan mo ok siya, pero hindi siya ok. Hindi na siya yung dati...wala nang liwanag sa mata niya," naiiyak na pahayag ng inang si Hilda Vicencio.
Ayon sa medical certificate, nagkaroon ng pamumuo ng dugo sa utak ang biktima naapektuhan ang takbo ng isip, at kaniyang paningin.
"Yung anak ko po, may post traumatic amnesia, yung nangyayari sa kaniya everyday, three minutes lang ang retention, hindi niya matandaan kung nakaligo na siya. Ang mata niya nababanlag, ngayon lang niya naidilat 'yan," dagdag niya.
Dahil sa nangyari, hindi na muna pumasok si Dahne sa pag-aaral. Pero desidido siya na makatapos ng pag-aaral maabot ang pangarap na maging abogado.
Naghihinanakit naman ang ina ni Dahne dahil hindi na raw nakikipag-ugnayan sa kanila ang nakadisrasya sa kaniyang anak na si Grace Ann Balendes Calubia.
Makaraan daw na bayaran nito ang halos kalahati ng P200,000 hospital bill ay naglaho na raw ito sa kabila ng pangako na tutulungan sila sa pagpapagaling ng biktima kapalit ng hindi nila magsasampa ng demanda.
"Sabi mo tutulungan mo kami. Kaya sa umpisa pa lang sinabi ko, hindi ako magdedemanda basta tutulungan mo yung anak, ko, pero ano ginagawa mo sa amin, nagmamakaawa kami sa iyo palagi," hinanakit ni Gng. Vicencio.
Ayon sa ulat, patay ang cellphone ni Calubia nang tawagan ng GMA News. Matagal na rin umano itong umalis sa kaniyang nakatalang home address sa Mandaluyong, ayon sa mga residente.
"Alam ko naman po na hindi niya sinasadya, pero dapat nag-ingat pa rin kasi nasa pedestrian lane naman kami," mensahe ni Dahne sa driver ng SUV. "Pakisagot po yung kailangan sagutin, kasi hindi po kami mayaman."-- FRJ, GMA News
