Matapos pangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tinatawag na narco-politician, nais ni Senate President Vicente Sotto III na isapubliko rin ang pangalan ng mga celebrity na sangkot sa iligal na droga.

“Might as well name the celebrities patronizing these drug pushers,” sabi ni Sotto nitong Biyernes nang matanong tungkol sa usapin. “At least ‘yun 'pag galing sa pusher ang info, validated.”

READ: Duterte names over 40 pols on narco list, says raps already filed

Una rito, sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mayroong dalawang celebrity [lalaki at babae] ang katransaksyon umano ng sinasabing bigtime supplier ng party drugs sa Metro Manila na napatay sa operasyon nitong Martes na si Steve John Pasion.

Ayon kay PDEA Special Enforcement Service director Levi Ortiz, batay umano sa palitan ng mensahe, kukuha ng 200 piraso ng ecstasy ang dalawang celebrity mula kay Pasion.

Sa isang panayam, sinabi ni PDEA director general Aaron Aquino, na malaki at kilalang celebrity ang katransaksyon ni Pasion na araw-araw umanong nakikita ng mga tao.

Pero bago nito, dati nang sinasabi ng mga awtoridad na may mga celebrity na sangkot at gumagamit ng droga.

WATCH: Mahigit 50 artista, nasa drug list umano ni Pres. Duterte

Nitong Huwebes ng gabi, mahigit 40 politiko na sangkot umano sa droga ang isinapubliko ni Duterte, at sasampahan ng administrative case sa Office of the Ombudsman.

Sinabi naman ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya na mayroon pang 20 local politicians ang susunod na kakasuhan.— FRJ, GMA News