Apat na menor de edad ang dinampot ng mga awtoridad matapos umano silang mandukot sa Quiapo, lungsod ng Maynila.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Lunes, ipinalabas ang CCTV footage kung saan makikitang sinusundan ng apat na bata ang dalawang babae sa kanilang harapan.

Nakita sa video na palinga-linga rin ang isa sa mga bata.

Hindi nakunan ang sumunod na tagpo subalit kinuha pala ng mga menor de edad ang isang cellphone at P500 na nasa bag ng isang babae.

"May complainant tayo na dalawang babae na nadukutan nga raw sila. So immediately nagfollow-up tayo sa barangay. Luckily may mga CCTV footage, namukaan 'yung mga bata. Obviously mga minor pa," sabi ni Police Major Melvin Florida Jr., station commander ng Plaza Miranda Police Community Precinct.

Agad namang hinanap ng mga awtoridad ang apat na menor de edad na pawang mga 14-anyos pa lamang.

"Based naman sa iniinterview ko sa kanila, sariling diskarte nila eh. Apat sila. 'Yung dalawa ang papel lang noon icover 'yung ginagawa ng dalawa sa harap. Tapos 'yung dalawa, 'yun ang kukuha," sabi ni Florida.

"Talagang dito sila naglalakad-lakad, naghihintay ng tamang pagkakataon sa mga biktima na puwede nilang madukutan," dagdag pa nito.

Hindi na raw nag-aaral ang apat na bata. Nahuli na rin sila dati sa Sampaloc subalit nakalaya rin.

Mapupunta sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development ang kustodiya ng mga bata.

Agad namang nabawi ang mga ninakaw ng mga bata matapos nilang ituro kung saan nila ito ibinenta.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa publiko na alaming mabuti saan galing ang mga binibiling gamit dahil kung ito'y mapatunayang galing sa nakaw, maaari silang humarap sa kasong paglabag sa Anti-Fencing Law. — Anna Felicia Bajo/RSJ, GMA News