Isa pang suspek ang inaresto dahil sa pagkakasangkot umano nito sa gang rape sa isang dalagita sa Tondo, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Huwebes.
Nahuli ang suspek dahil sa mahalay na video na natuklasan sa cellphone ng biktima na ibinalik sa ina.
Mismong si Angelito Gonzales, isa sa tatlong suspek na nauna nang naaresto, ang kumilala kay John Michael Carmelo bilang ang lalaking nasa video.
"Siya mismo ang nagsabi itong si Angelito na yung lalaki na kumuha na yun at ang nasa video ay si John Michael Carmelo. Siya yung lumalabas sa aming imbestigasyon, siya yung huling humalay doon sa biktima natin," ani Manila Police District (MPD) Station 1 commander Police Lieutenant Colonel Rey Magdaluyo.
Itinanggi ni Carmelo na ginahasa niya ang biktima at sinabing ang biktima raw ang pumunta sa kanilang bahay para magpatulong na hanapin ang kaniyang dalawang nawawalang cellphone.
"Tapos sinamahan ko po siya, tapos umuwi po kami dun sa amin para magpahinga tapos nangyari na po yun," sabi niya. "Hindi po kami nagpilitan, gusto rin po namin."
Sa inisyal na ulat, anim na lalaki raw ang gumalaw sa 16-anyos na biktima. Pero lumalabas na hindi lang anim kundi pitong lalaki raw ang nagsamantala sa dalagita.
Natuklasan din ng mga pulis na may group chat ang mga suspek kung saan pinag-uusapan nila ang kanilang mga masamang gawain.
Ayon kay Magdaluyo, gawain na raw talaga ng mga suspek na manggahasa ng mga babae.
“Kakaibigan sila ng magandang babae, iimbitahin nila sa inuman, paiinumin nila at meron tayong nakuhang impormasyon na yung iniinom ng babae ay nilalagyan nila ng Valium. So pagka yung babae na-unconscious, ginagawa na nila yung kahayupan nila yung pangga-gang rape nila," sabi ni Magdaluyo.
Sa group chat, mababasang pinapayuhan pa ng ibang miyembro ang mga sangkot sa panghahalay sa 16-anyos na dalagita na magtago na.
Nakita rin ang isang video ng gang rape sa isang babaeng tila walang malay at walang saplot sa nasabing group chat. Hindi pa natutukoy kung sinu-sino ang nasa video at saan ito nangyari.
Mahaharap ang apat na suspek sa reklamong rape in relation to Republic Act 7610 o special protection of children against abuse, exploitation and discrimination act.
Samantala, nanawagan naman ang ina ng biktima kay Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan sila sa kaso.
"Sana po tulungan niyo po ako para mabigyan po ng hustisya sa pangre-rape ng anak ko. President, maawa po kayo sa akin," anang ina ng biktima.
Nanawagan din ang hepe ng MPD Station 1 sa iba pang nabiktima ng mga suspek na dumulog sa kanilang tanggapan para maghain ng reklamo. —Joviland Rita/KBK, GMA News
