Hinuli ng mga awtoridad ang tatlong menor de edad matapos mahulihan ang mga ito ng baril at mga sachet ng marijuana sa isang anti-criminality operation sa Tondo sa Maynila.
Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, nakumpiska mula sa isang suspek na 15-anyos ang caliber .38 na baril, habang nahulihan naman ng tig-iisang sachet ng marijuana ang dalawa niyang kasamang kapwa 17-anyos.
Isinagawa ang anti-criminality operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Station 1 sa San Sebastian Street corner Herbosa Street sa Tondo.
Inamin ng dalawang 17-anyos na sa kanila nga nakuha ang mga pakete ng marijuana, pero itinanggi ng 15-anyos na sa kanya ang nakumpiskang baril.
“We launched the intensified simultaneous anti-criminality operations, because few days ago meron tayong gang war dito kung saan yung suspek natin, isang 14-year-old, nakapatay ng isang adult sa pamamagitan ng pagsumpak,” pahayag ni MPD Station 1 commander Police Lieutenant Colonel Rey Magdaluyo.
Dinala na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tatlo, pero posibleng haharap pa rin sila sa reklamong paglabag sa comprehensive dangerous drugs act at illegal possession of firearms in relation to the Comelec gun ban. —Joviland Rita/LBG
