Nagtakbuhan ang mga tao sa isang kainan nang maglabas ng itak at mag-amok ang isang lalaking lasing sa Quezon City, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Sa kuha ng CCTV sa loob ng kainan sa Barangay Pasong Tamo nitong Linggo ng gabi, makikitang iwinawasiwas pa ng lalaki ang itak at nagpulasan na ang ibang mga customer.
Kinilala ang lalaki na si Dennis Villanueva, 29, isang construction worker.
Nasugatan ni Villanueva ang isa sa mga lalaking kausap niya sa loob ng kainan.
Nang ibalik ni Villanueva ang itak sa loob ng kanyang bag, hinampas siya sa ulo ng isang lalaki sa kabilang mesa.
Natumba si Villanueva at saka na siya hinawakan, sinipa at sinuntok ng ilang lalaki.
Kuwento ng waitress, dumating nang mag-isa si Villaneuva at umorder ng inumin. Ilang sandali pa, nagbabanta na si Villanueva.
“Ang sabi niya, ‘Bisaya hindi pwedeng awayin.’ Pero wala namang away na nangyari. Nakita ko na lang…lumabas 'yung itak galing sa likuran niya,” sabi ng waitress.
Nang matsempuhan ng mga kainuman ni Villanueva na wala na siyang hawak na itak, sinamantala na raw nila na patumbahin siya.
Rumesponde ang mga tanod at pulis, at inaresto si Villanueva.
Inamin niya na sa kanya nga ang itak at nagpaliwanag na galing daw siya sa pagputol ng puno kaya raw niya dala ito.
Ayon kay Villanueva, lasing daw siya at wala nang maalala sa nangyari.
Aminado rin si Villanueva na nakagamit siya ng droga nang mangyari ang insidente.
“Gumagamit po pero minsanan lang po. Minsan sa trabaho ginagamit ko po,” sabi ni Villanueva na nahulihan din ng isang sachet ng hinihinalang shabu.
Ayon sa mga pulis, kalalaya lang daw ni Villanueva sa kulungan noong Agosto ng nakaraang taon dahil sa droga.
Haharap siya sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, direct assault, malicious mischief, alarm and scandal, at pagdadala ng matalim na bagay. —Joviland Rita/KG, GMA News
