Inihayag ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na pangkaraniwan lang na magkaroon ng probisyon sa P3.6-billion loan agreement sa China na maaari nitong kunin ang pag-aari ng gobyerno kapag nabigo ang bansa na magbayad.

Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, tiwala naman siya mababayaran ng Pilipinas ang naturang utang.

Nang tanungin ng mga mamamahayag nitong Lunes si Panelo kung makatwiran bang gawing kolateral ang likas-yaman ng Pilipinas, tugon ng opisyal, "What I'm saying is the onerous conditions that some are saying incorporated in the contract is standard between lender and borrower to be sure that the lender will be getting what they have lent to the borrower."

Sabi pa ni Panelo, hindi maiiwasan na magpasok ang mga nagpapautang ng mga kondisyong pabor sa kanila.

"Hindi ba 'pag nag-uutang tayo, meron ba tayong say? When we [take out a] loan from the bank, it's always the terms of the bank. Natural lang iyun na they will make sure na hindi sila malulugi sa kanilang ipinautang sa atin," katwiran ni Panelo.

Una rito, nagbabala si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na maaaring kunin ng China ang mga ari-arian ng bansa at gobyerno kapag nagbigo ang Pilipinas magbayad ng utang.

Sabi ni Carpio, kasama sa pinasok na kasunduan ng Pilipinas sa pag-utang sa China ang tinatawag na "patrimonial assets and assets dedicated to commercial use," na kinabibilangan ng rich gas field sa Reed Bank, na pasok sa exclusive economic zone ng Pilipina sa South China Sea.

Minaliit naman ni Panelo ang pangamba ni Carpio dahil responsable umano ang Pilipinas sa pagbabayad ng mga utang.

"It's not a possibility because we will never renege. We're known for paying our obligations. Ang liit lang naman," sabi ni Panelo.

Ang 20-year loan deal para sa konstruksyon ng Chico River Pump Irrigation Project ay pinirmahan nina Department of Finance Secretary Carlos Dominguez III at Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua noong April 10, 2018.

Kapag natapos ang proyekto, inaasahan na magbibigay ito ng suplay ng tubig sa may 8,700 ektaryang agricultural land, na pakikinabangan ng 4,350 magsasaka at kanilang pamilya, sa 21 barangay sa Kalinga at Cagayan. -- FRJ, GMA News