Sinaksak ng 22 beses ang 80-anyos na lola ng kanyang sariling apo na isang menor de edad sa Ilocos Sur, ayon sa ulat ni Kim Bandarlipe sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules.
Patay na nang matagpuan ang lolang si Magdalena Cuyo sa kanyang bahay sa Barangay Anonang Menor sa bayan ng Caoayan.
Nagtamo ng saksak sa dibdib, tiyan, likod at hita ang lola.
Kuwento ng 17-anyos niyang apo, kakauwi lang niya galing sa lamay at nang matutulog na sana siya, binato raw ng kanyang lola ang bubong ng bahay na tinutuluyan niya.
“Tiningnan ko siya, naabutan ko.Tinanong ko kung anong problema? Para siyang naghahamon. Noong pumasok siya, sinundan ko, doon ko na pinagsasaksak,” sabi ni Bryan, hindi niya tunay na pangalan.
Inaresto si Bryan at nakuha rin ang kutsilyong ginamit niya.
Nang tanungin ng kanyang ina kung bakit nagawa ng anak ang pagpatay, “Napuno na raw sa ginagawa sa kanila,” sabi ng kanyang ina.
Pero hindi raw kumbinsido ang isang anak ng biktima sa salaysay ni Bryan dahil nadatnan niyang bukas ang kanyang drawer at may nawawalang pera.
Gayunpaman, ayon sa pulisya, wala namang nai-report na pagnanakaw sa kanila.
Dadalhin si Bryan sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sumailalim sa rehabilitasyon.
"Bahala na ang DWSD kung i-turn over sa Bahay Pag-asa para sa temporary rehabilitation niya hanggang sa mag-18 years old saka mag-pursue yung kaso laban sa kanya," sabi ni Caoayan Police Station officer-in-charge Police Captain Rez Cachin. —Joviland Rita/LDF, GMA News
