Inirereklamo ang isang car rental company matapos nito umanong tangayin ang ilang mga SUV na ang usapan daw ay rerentahan lang.
Sa ulat ni Emil Sumangil nitong Sabado sa GMA News 24 Oras Weekend, nasabing pinasok ng "Task Force Libis" ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang isang residential property sa Cainta, Rizal na nakapangalan sa EDGC Transport at natunton ang apat na sasakyan, kabilang ang isang Mercedes-Benz.
Lumutang sa Camp Crame ang ilang mga nabiktima umano ng "rentangay."
Kabilang sa kanila ang isang nurse na nagsabing pinresyuhan daw ng maganda ng grupo ang kaniyang mga hinuhulugang SUV at sinabihan siyang sila na ang magtutuloy ng bayad sa bangko.
Ayon sa HPG, pagmamay-ari ang kumpanya ng isang Enrique de Guzman na sangkot sa kasong carnapping at estafa kasama ang kapatid niyang si Fernando, at ang mga kasabwat niyang sina Maria Concepcion Caido Yaptinchay at Rowena Tina Santana ngunit nakapagpiyansa ang mga ito.
"Tinatawag nilang alyas Ricky Libis kasi may showroom daw 'to sa Libis, at the same time, alyas Rick Dragon. Sa casino, 'yan ang kanyang palayaw doon kasi 'yung pinakamalaking financier doon," paliwanag ni Police Brigadier General Roberto Fajardo, hepe ng Philippine National Police HPG.
Wala sa lugar si De Guzman nang isagawa ang raid, pero nadakip ang pinsan ni Yaptinchay na si Evelyn, hindi niya tunay na pangalan.
Ayon kay Evelyn na tumestigo laban sa grupo: "Nagtiwala ako sa kanya, kadugo ko siya eh, ngayon ako pinapaharap niya sa mga tao na ito. Ang sabi niya, 'Magtago ka na.' Sabi ko, 'Hindi ako magtatago.'"
Nakipag-ugnayan sa GMA News ang isang Enrique de Guzman at itinanggi niya ang mga paratang at hindi raw siya magnanakaw ng sasakyan.
Sinubukan din ng GMA News na mahanap si Yaptinchay at ang kanyang mga kasamahan.
Nanawagan naman si Police Lieutenant Colonel Ritchie Claravall ng HPG PIO sa publiko: "Check ninyong maigi 'yung mga klase ng papel na ibibigay nila kung lehitimo ba ang mga hawak nilang dokumento, at kung duda kayo, gaya po ng nasabi natin kanina, lumapit ko kayo sa Highway Patrol Group." —Margaret Claire Layug/MDM, GMA News
