Apat na beses umanong ginahasa ang isang 7-anyos  na bata ng kinupkop na katrabaho ng kanyang ama sa Maynila, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Balitanghali nitong Linggo.

Napansin ng mga magulang ng biktima na kakaiba ang mga ikinikilos ng kanilang anak noong Miyerkules ng gabi, hanggang sa matuklasan nila na ginahasa pala ito sa sarili nilang pamamahay.

“Nakita nila na may dugo at saka yung bata nasasaktan. Parang may iniinda. So ngayon yung magulang, tinanong yung bata hanggang sa umamin. Ang may kagagawan daw ng ano na yun ay si Kuya JP,” sabi ng commander ng Lacson Police Community Precinct na si Police Captain Edwin Fuggan.

Kinilalang si Romeo Quirim ang ‘Kuya JP’ na tinutukoy ng bata, na katrabaho ng kanyang ama at nakikituloy sa kanilang bahay.

Itinuring ng mga magulang ng biktima na parang kapamilya si Quirim at ito raw minsan ang nagbabantay sa kanilang dalawang anak.

“Na-pattern niya po yung uwi ng mga magulang eh. So ito po, nagagawa lang po yung January 13 kasi hindi siya pumasok. Naiwan siya sa bahay,” sabi ni Fuggan.

Ayon pa sa Sampaloc Police, bukod daw sa pananakot, binibigyan din umano ng suspek ng pera at pagkain ang bata para hindi magsumbong sa kaniyang mga magulang.

“Ayon po doon sa bata, sinabi niya ay ang pinanakot daw ay huwag siyang magsusumbong, ipapakagat lang daw siya sa ipis,” sabi ni Fuggan.

Inaresto nitong Sabado si Quirim  sa construction site kung saan siya nagtratrabaho.

Inamin ng suspek na apat na beses niyang ginahasa ang bata. Lasing daw siya at nakagamit din ng droga kaya raw niya nagawa ang pagsasamantala.

“’Pag wala yung magulang niya ma'am, kasi ako yung katiwala sa mga bata kasi dun ako nakatira sa kanila,” sabi ng suspek. At nang tanungin naman kung hindi ba siya naawa sa bata, “Naawa naman ma'am,” sagot ni Quirim.

Napag-alaman ng pulisya na kabilang sa drug watch list ng Manila Police District Station 1 ang suspek.

Haharap siya sa reklamong rape.

“Sana patawarin nila ako ma'am. Ang laki ng kasalanan ko sa kanila. Pagdurusahan ko naman yung kasalanan ko,” sabi ni Quirim.

Dahil sa posibleng trauma, isasailalim ang biktima sa counseling ng Department of Social Welfare and Development. —Joviland Rita/LBG, GMA News