Hindi na matutuloy ang nakatakda sanang pagsasara sa darating na Mayo ng British clothing, furniture, at foods brand na Marks & Spencer sa Pilipinas makaraang makakuha sila ng panibagong franchise partner.

Ayon sa ulat ng Inside Retail, sinabi ng tagapagsalita ng Marks & Spencer (M&S) na nananatiling committed ang kompanya sa Pilipinas, matapos nitong “magpasya na lumipat sa isang bagong franchise partner “to support out ambitious growth plans in the region."

"We look forward to sharing updates on our growth plans in due course," dagdag nila sa inilabas na pahayag ng may petsang February 26.

Kinilala rin ng M&S ang mahigit 20 taong pakikipagtulungan sa kanila ng Stores Specialists Inc. (SSI), at nagpahayag ng pasasalamat para sa kanilang partnership. Ayon dito, magtatapos ang kanilang kontrata sa Philippine group sa Mayo.

Kamakailan lang, kinumpirma ng SSI sa kanilang disclosure sa Philippine Stock Exchange na ititigil na nito ang operasyon ng naturang British clothing, furniture, and foods brand, at sa Mayo 2, 2026 ang huling araw ng operasyon.

Ayon sa SSI, hindi naging madali ang kanilang naging desisyon at nagpasalamat sila sa mga tapat na customer, empleyado, at partner sa kanilang suporta sa paglipas na 40 taon.

Sa kasalukuyan, may 13 sangay na operational ang M&S sa buong bansa, kabilang ang flagship store nito na matatagpuan sa Central Square sa Bonifacio Global City.

Bukod sa M&S, hawak din ng SSI ang iba pang mga luxury brand tulad ng Hermès, Cartier, Salvatore Ferragamo, Zara, at Alo, at iba pa.

Nakipag-ugnayan ang GMA News Online sa Marks & Spencer UK upang kumpirmahin ang pinakahuling mga pangyayaring ito at humingi ng karagdagang detalye tungkol sa mga plano ng kompanya sa Pilipinas.

Ilalathala namin ang ito sa oras na makatanggap kami ng pahayag mula sa M&S UK. — Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News