Nagbabala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa publiko laban sa paglalagay ng mga hindi awtorisadong tatak o marka sa kanilang pasaporte.
Sa isang pahayag ngayong Miyerkoles, sinabi ng kagawaran na ang hindi awtorisadong tatak o marka ay maaaring magresulta para mapawalang-bisa ang pasaporte at mayroon itong kaukulang parusa.
“[It] is also considered as tampering of an official document, which is punishable under the law… The ePassport should be submitted only to authorized officials or authorities for stamping,” paalala ng DFA.
Ipinaalala rin nito sa publiko na ang mga pasaporte ay itinuturing na pag-aari ng bansa, at ipinagbabawal ang pagbabago, pagdaragdag, o pagsira sa nilalaman nito.
Sa isang insidente, muntik nang makansela ang pasaporte ng isang Filipina digital nomad dahil sa pagkakaroon nito ng mga souvenir stamp.
Ibinahagi ni Kach Umandap mula sa Palawan na nakaipon siya ng mga souvenir stamp sa kaniyang pasaporte mula sa iba’t ibang destinasyon bago siya hinarang ng mga awtoridad ng U.S. Immigration, kung saan tinanong siya nang mahigit tatlong oras dahil sa itinuring na tampered at kanselado na ang kaniyang pasaporte. —Jiselle Anne C. Casucian/FRJ GMA Integrated News

