Dagdag na tagumpay sa pagpunta ni Vice Ganda sa Japan ang masilayan sa zoo ang sikat na sikat ngayon na baby monkey na si “Punch.”
Sa Instagram Stories, ibinahagi ng Unkabogable Star ang larawan ni Punch na nasa isang zoo sa Tokyo.
“Hi Punch,” saad ni Vice sa caption.
Sa hiwalay niyang post sa X, inihayag ni Vice ang kasiyahan niya na makita nang personal ang viral na unggoy na itinakwil ng kaniyang ina at naging malapit sa isang stuffed toy na orangutan.
“Success!!!! Nakita ko na si Punch," saad ng "It's Showtime" host.
"He looks ok. Niyayakap na sya ng malalaking jungoya. So happy!!!” dagdag pa ni Vice.
Marami ang naantig sa kuwento ni Punch dahil hindi siya tanggap ng kaniyang ina, at maging ng ibang unggoy sa zoo kaya ang stuffed toy na orangutan na bigay ng mga tauhan ng zoo ang tila naging kakampi niya.
Success!!!! Nakita ko na si Punch!!! He looks ok. Niyayakap na sya ng malalaking jungoya. So happy!!!
— jose marie viceral (@vicegandako) February 27, 2026
Mula nang lumabas sa social media ang kaniyang kuwento, dumagsa umano ang mga tao sa zoo para makita si Punch.
Kaya naman marami rin ang natuwa nang maibalita na rin kinalaunan na may ibang grupo na ng unggoy na tumatanggap kay Punch.
Nasa Japan si Vice kasama si Ion Perez para sa Philippines-Japan festival na siya ang magpapasinaya, at ipalalabas din ang kaniyang movie na "And the Breadwinner Is." — Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News

_2026_02_27_16_23_29.jpg)